Eksena sa FX
Kaharap ko na naman siya.
Di ko matandaan kung pang-ilang pagkakataon na namin tong magkasabay sa FX. Ang alam ko lang na parang sinisilaban ang oras kapag nakaupo siya sa harap ko at nagtetext. Di ko siya kilala at sa aking palagay, di rin siguro nya alam na akoy nabubuhay sa mundong ibabaw.
Pero ok lang yun, wala naman akong intensiyon na lagyan ng tulay ang puwang na namamagitan sa amin. Natutuwa lang siguro ako sa kanyang mga di mapigilang ngiti at sa mga mistulang talang sumisilip sa gitna ng kanyang mapagtampong mga labi (putang na loob!) kapag tumutunog na ang kanyang cellphone. Naiinis tuloy ako at di ko siya naging katabi. Hindi ko masimplehang silipin kung anong klaseng mga mensahe ang kanyang natatanggap o kung sino ang kanyang katext, Hindi malayong boylet niya yun o kaya isang masugid na manliligaw. Hmm.. kasuwerte naman ng mokong na yun kung saka-sakali.
Sa munimuni ko, mahirap ang ginagawa niya. Pipikit siya pagkatapos niyang magtextback, siguro para makatulog ng konti kasi mahaba-haba din ang biyahe namin dahil sa trapik. Pero sadya yatang masigasig ang kanyang kausap at wala pang sampung segundo at tumutunog na naman ang kanyag celfon. Kaya ganun na nga ang nangyayari, tutunog ang kanyang celfon, sasagutin niya, pipikit siya, tapos tutunog uli. Paulit-ulit. Buti na lang madilim sa FX, hindi niya napapansin na pinagmamasdan ko ang kanyang buhay sa loob ng masikip na sasakyan.
Sabi nila, iisa lang daw ang buhay ng tao kaya dapat itong bigyan ng karampatang pagpapahalaga. Tama nga naman. Ngunit habang pinagmamasdan ko ang aking kaharap na aliw na aliw sa pakikipagtext, naisip ko rin na kahit iisa lang ang buhay ng tao, hindi naman siguro ito nangangahulugan na kailangang minsan ka lang maaring mabuhay. Posibleng minsan ka lang mamamatay pero siguro pwedeng maraming beses kang mabubuhay. Hindi naman siguro lahat ng katapusan ng buhay ay nauuwi sa kamatayan. Kagaya na lang ng eksenang to sa FX; ang katabi ng kaharap ko ay nagrorosaryo; sa bandang unahan may natutulog, yung isa naman nahuhumaling sa bago niyang Dopod. Hindi ba maituturing na isang kapiranggot na buhay ang eksenang ito? Isang buhay na nagsimula sa pagpasok sa loob ng FX at matatapos sa pagbaba mula dito?
Kung ang isang buhay ay hindi kinakailangang magtapos sa kamatayan, pwede rin kaya na ang isang buhay ay hindi kinakailangang magumpisa sa pagsilang?
Animnapung-walang-humpay-na-text-pindutang-minuto pa ang nakalipas, pumara na ang babaeng naging sentro ng aking pagmumunimuni. Nakatungo siyang nagpasintabi, dahan-dahang bumaba, at tuluyan nang nilamon ng isang kantong tila buong araw na naghintay sa kanyang pag-uwi.
Habang papalayo ang FX, napagisip-isip ko na sadyang napakaraming kwento ang buhay. Di ko alam kung makakasabay ko pa uli yung magandang babaeng palaging nangingiti habang nagtetext, ngunit alam ko na ang kanyang kuwento ay hindi magtatapos sa pagbaba niya ng FX. Maaaring hindi ko na rin malalaman kung ano ang magiging kahihinatnan ng kanyang pagtetext o kung sino talaga ang kanyang katext. Pero malay natin; mahiwaga ang buhay at sigurado akong marami pa itong mga birong tinatago sa mga susunod pa na pagsakay ko ng FX.








